Quote of the Month

August, 2013: lost in space- "...you are the one thing that keeps me smiling, that's why i'm always wishing hard for you. 'cause your light shines so bright, i don't feel no solitude. you are my first star at night, i'd be lost in space without you." - Lighthouse Family

Saturday, April 2, 2016

taal

Basilica of St. Martin of Tours, Taal, Batangas. Asia's largest Catholic church.


Magtatakipsilim na noon. Humahangos akong pumunta sa balon ng Caysasay. Sinasabi nilang mahiwaga ang balong ito. Naririnig nito ang bulong ng isipan at mahihimasmasan ka sa tamis ng tubig nito. Ngunit hindi ko pa man natatapos ang aking hiling, narinig ko na ang kalembang ng kampana sa simbahan.


Nabitiwan ko ang mga barya at wari mo'y dahan-dahan silang nag-unahan pailalim sa balon. Nangilid ang luha sa aking mga mata kasabay nang unti-unti pagkawala ng mga barya sa aking paningin.


Mabibigat ang hakbang na binaybay ko ang matarik na daan pabalik sa kabayanan. Hindi ko man tingnan, alam kong inagaw na ng tunog ng kampana ng simbahan ang lakas ng aking mga binti na sa mga sandaling iyon ay wari mo'y ayaw ng manlaban.


At tila ba nangungutya ang mga malalam na ilaw sa poste sa bawat kanto, sa mga tarangkahan ng mga nadadaanang mga bahay at sa mga ilaw na nakadungaw sa mga balkonahe. Sinisilip ng liwanag ang lambong na bumabalot sa aking mga mata at pilit na pinalalaki ang aninong mas matamlay pa sa kung ano ang aking nararamdaman.


Nagitla ang aking diwa ng umalingawngaw ang masayang tugtog ng mga kampana, hudyat na ang pagdiriwang ay ganap na. Napasandal ako sa gilid ng isang lumang bahay habang hinihintay na matapos ang tunog. Sa iyo marahil ay magsisimula na ang salu-salo ngunit sa akin, wala ng dapat pang ipagdiwang. Matanda na ang bayan na ito at ng gabing iyon, saksi ang tahimik na sulok ng kalyeng iyon kung paanong nabasag ang aking mga luha at niyanig ng aking mga balikat ang matitibay na dingding ng lumang bahay kung saan ako lihim na nakasilip sa tagiliran.


Sa huling sandali, nilingon ko ang simbahan. Tanaw ko ang matayog nitong tuktok: mayabang, mayaman at matibay. Marami na ang mga pangarap ang nabuo sa loob ng simbahang ito ngunit sa akin, ikaw ay lobong nabili sa patio ng simbahan, di pa man kumakalas ay pumutok na kamay ko.


Uuwi akong walang bitbit at sa isip ko, nasayang lang ang mga barya sa balon.

4 comments:

yccos said...

San Martin de Tours! The largest Catholic church in Asia :)

I am not Catholic but I have been around this place because of my cousins. Dito yung lugar na ang 7-11 ay nasa Bahay na Tisa!

The Caysasay Church and the well, they said that can make wishes come true!

Walking around Taal town is like walking back in time. It's like the Vigan of the south.

Ang sarap basahin ng piyesa mong ito. Nakakapangulila pero masaya kasi purong tagalog, simple pero malalim.

blissfulguro said...

Mahusay! :)

Pepe v2.0 said...

yccos, true! walking around taal heritage town is like traveling back in time. I enjoyed so much. Masyadong malakas makahatak ng tula. Haha. Di pa nga namin naikot ng husto kasi we only had short time to spend dahil sa heavy traffic. Pero na-enjoy pa rin naman namin ng husto. Babalikan ko ang ilan sa mga museums na hindi namin napasok.

Pepe v2.0 said...

blissfulguro, titser na titser ang comment! Haha. Parang report card lang! Buti na lang hindi mo binilugan ng pulang ballpen 'yong mga mali. LoL

Post a Comment

talk to me: like fireflies to the moon.